Mga pribado at pampublikong sasakyan na maglalabas-masok sa Metro Manila sasailalim sa checkpoint ng PNP

Sasailalim sa checkpoint ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng sasakyan pribado man o pampubliko na maglalabas-masok sa Metro Manila.

Bahagi ito ng pagpapatupad ng community quarantine sa National Capital Region sa ilalim ng Code Red Alert sub level 2 dahil sa COVID-19.

Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Interior and Local Government Sec. Jonathan Malaya na lahat naman ng trabahador ay papayagang makapasok at makalabas ng Metro Manila basta’t may maipapakita silang lehitimong company ID.

Ang mga gumagamit ng pribadong sasakyan ay maaring parahin sa checkpoint para masuri kung talagang papasok sa trabaho ang sakay nito.

Habang ang mga bus ay maaring akyatin ng mga tauhan ng PNP para i-check ang mga pasahero. Ganon din ang gagawin sa mga sakay ng jeep, UV at iba pang pampulikong sasakyan.

Sinabi ni Malaya na dahil magkakaroon ng checkpoint ay inaasahan nang magdudulot ito ng hassle o abala kaya humihingi sila ng pang-unawa sa publiko.

Ngayong umaga ayon kay Malaya magpupulong ang DILG, Department of National Defense at PNP sa Camp Crame para buuin ang ipatutupad na logistical operations.

Simula kasi sa Linggo, March 15 ay epektibo na ang community quarantine.

Read more...