Nagkaroon ng pulong ang mga matataas na opisyal ng PNP at ilang kinatawan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Department of Health (DOH) sa Camp Crame.
Naisapubliko ang pulong nang kumalat sa social media ang kopya ng abiso at nabasa na kabilang sa agenda ay ang ‘lockdown’ ng ilang lugar sa Metro Manila.
Paliwanag naman ni Police Maj. Gen. Benigno Durana Jr., ‘standard operating procedure’ o SOP sa PNP na paghandaan ang lahat ng posibleng mangyari.
Kinumpirma ng ilan sa mga dumalong opisyal na kabilang sa mga napag-usapan ang pagpapatupad ng lockdown sa Metro Manila at hindi na sila nagbigay pa ng karagdagang detalye.
Itinanggi na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na may lugar na sa Kalakhang Maynila ang naka-‘lockdown’ dahil sa COVID-19.