Hostage-taking sa San Juan City, inimbestigahan na rin ng Kamara

Pumasok na rin ang Kamara sa imbestigasyon ukol sa naganap na pangho-hostage ng security guard na si Alchie Paray sa Virra Mall, San Juan.

Sa pagdinig ng House Committee on Labor and Employment, natukoy ng komite ang mga sinasabing paglabag ng security agency na dating employer ni Paray.

Sinabi ni DOLE NCR San Juan Field Office Chief Director Mary Grace Riguer-Teodoro na aayusin na ng SASCOR Armor Security Corporation ang inireklamo ni Paray patungkol sa pagiging underpaid ng mga empleyado nito lalo na sa night differential gayundin ang hindi pagbabayad sa rest day premiums at iba pang paglabag sa safety standards.

Inirereklamo rin ni Paray ang hindi umano makatwirang pagtanggal sa kanya sa puwesto sa entrance/exit point ng V-Mall dahil lamang sa pagtanggi nito na papasukin ang tenant na walang ID.

Sinabi pa noon ni Paray na may korupsyon o suhulang naganap kaya’t inilipat siya bilang roving guard.

Samantala, nilinaw ng pamunuan ng Virra Mall na nalaman lamang nito ang alegasyong katiwalian kasunod ng hostage crisis.

Tiniyak ni Atty. Isagani Elacio, ang head ng External Affairs ng V-Mall na nagpapatuloy ang kanilang maingat na pag-iimbestiga sa mga paratang ni Paray ngunit sa ngayon ay hindi pa nila ito nakukumpirma.

Binigyang-diin naman ni Wilbert Dizon, ang mall operations head, na kanila na ring ginagawa ang lahat para matugunan ang mga isyu na lumutang sa gitna ng hostage-taking at sisikaping hindi na maulit ang insidente.

Read more...