Palasyo sa mga may-ari ng mall, sinehan: Huwag papasukin ang mga estudyaante

Umaapela ang Palasyo ng Malakanyang sa mga may-ari ng mga mall, sinehan at iba pang malalaking establishment na huwag papasukin ang mga estudyante.

Apela ito ng Palasyo matapos suspindehin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang klase sa Metro Manila hanggang sa March 14 bilang hakbang ng pamahalaan na maprotektahan ang mga kabataan sa Coronavirus Disease o COVID-19.

Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, ito ang magiging ambag ng mga may-ari ng mga establisyemento para maiwasan ang paglaganap ng COVID-19.

Inatasan na aniya ng pangulo ang DILG, Philippine National Police (PNP) at mga barangay officials na pauuwiin ang mga bata kapag nakita na pakalat-kalat sa lansangan para sa home study.

Nasa state of national emergency aniya ang Pilipinas dahil sa COVID-19 kung kaya may karapatan ang mga pulis at barangay officials na sitahin ang mga pakalat-kalat na mga estudyante.

Mas makabubuti aniya kung iiwasan na muna ng publiko ang pagtungo sa mga matataong lugar.

“What the malls and the movie houses should do is not to allow those students, ‘di ba. They should also cooperate. Kasi nga kailangan tayong magtulungan. All of us should do something; we should be creative. They should not allow or discourage them from entering the malls or movie houses, para sa kapakanan nila iyon eh,” ani Panelo.

Read more...