Sukdulan ng sitwasyon agad ang nasa isip ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa kaniyang pahayag kaugnay sa kahihinatnan ng mga foundlings kung hindi sila papanigan ng korte.
Ayon kay election lawyer Romulo Macalintal, hindi naman intensyon ng Commission on Elections (COMELEC) na pagkaitan ng karapatan ang mga foundlings, pero ginagawa lang nila ang kanilang trabaho.
Matatandaang ipinahayag ni Sereno ang kaniyang pagkabahala sa magiging epekto ng hindi pag-panig ng Supreme Court sa ipinaglalaban ni Sen. Grace Poe tungkol sa kaniyang nationality.
Ani Sereno, kapag kinatigan nila ang desisyon ng COMELEC hinggil sa pagka-mamamayan ni Poe, ibig sabihin nito ay binabalewala na rin nila ang karapatan ng mga foundlings sa Pilipinas.
Sa oral argument noong Martes, nag-alala rin si Sereno sa kahihinatnan ng mga foundlings na empleyado na ng gobyerno at inisa-isa pa niya ang mga posisyon sa pamahalaan, pati na ang mga iskolar ng gobyerno at mga opisyal ng militar na nangangailangan na ang may hawak ng posisyon ay isang natural-born Filipino.
Giit ni Macalintal, wala naman tayong batas tungkol sa mga foundlings, at hindi na trabaho ng korte na gumawa ng batas.
Nilinaw naman rin ng abogado na ang posisyon ni Sereno sa isyu ay hindi nangangahulugang iyon din ang kaniyang magiging pinal na desisyon, lalo na kung napagdesisyunan na ng en banc ang kaso ni Poe.
Paliwanag niya, ang mga komento ng mga mahistrado sa oral arguments ay hindi sumasalamin sa kanilang posisyon sa isyu. Maari pa aniya itong mabago sa deliberasyon dahil hindi naman maaapektuhan ng komento ni Sereno ang magiging boto ng karamihan sa mga mahistrado.