Sinopla ni House Ways and Means Chair Joey Salceda ang pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III na premature ang rekomendasyon nito na isailalim sa isang linggong lockdown ang Metro Manila dahil sa Coronavirus Disease (COVID-19).
Ayon kay Salceda, hindi premature kundi preemptive ang hakbang na pagla-lockdown sa National Capital Region lalo’t tumaas ang kasong naitala ng DOH at may mga inanunsyo pa ang ilang local government unit na confirmed COVID-19 cases sa kanilang lugar.
Hindi na anya kailangan pang hintaying kumalat sa buong bansa at mag-viral ang sakit bago magpatupad ng lockdown na tinawag nitong “wrong attitude” sa pag-manage ng krisis.
Iginiit nito na walang surge capacity ang mga pagamutan sa bansa sakaling dumami ang magkakasakit ng COVID-19 kaya tama lamang at makakabuti ang pagpapatupad ng one week lockdown sa NCR.
Kung hindi anya magiging maagap ang pamahalaan ay tiyak na magkakaroon ng dysfunctional result sa ekonomiya at pamumuhay ng mga tao.
Sa naging pahayg ni Duque, kakailanganin muna ng ebidensya ng sustained community transmission bago ipatupad ang lockdown sa NCR dahil sa COVID-19.