Osmeña, suportado ang report ni Poe kontra Abaya

 

Suportado ni Senate committee on public services chair Sen. Sergio Osmeña III ang report ng subcommittee ni Sen. Grace Poe kaugnay sa pagkaka-sangkot ni Transportation Sec. Joseph Emilio Abaya sa palpak na operasyon ng MRT-3.

Ayon kay Poe, hindi na kailangan pa ng eksperto para matukoy ang kapalpakan sa pamamahala ng MRT-3, dahil kailangan lang aniya tanungin ang mga pasaherong araw-araw nakakaranas ng maraming aberya, lalo na tuwing may nasisirang tren.

Ito ang naging sagot niya nang bumwelta si Abaya sa ulat ng subcommittee on public services na pinamumunuan ni Poe, na nagre-rekomendang paimbestigahan sa Office of the Ombudsman at sa Department of Justice (DOJ) ang kaugnayan ng kagawaran niya sa operasyon ng MRT.

Ayon kay Osmeña, sang-ayon siya sa draft report ni Poe, at naniniwala siyang tama ang nilalaman nito.

Mabuti rin aniya at nakuha agad ni Poe ang punto ng problema at hiningi na niya ang tulong ng DOJ at Ombudsman para imbestigahan ito dahil sila lang aniya ang makakapagsabi kung tama bang kasuhan ng graft ang mga nasasangkot.

Handa rin si Osmeña na idiretso na ang report sa Ombudsman para paimbestigahan dahil hindi naman na kailangan ang pirma ng karamihan sa kanila para dito.

Samantala, sinabi naman ni Abaya na hindi sila nababahala at malinis ang kanilang konsensya dahil alam nilang mahigpit nilang ipinatupad ang procurement law ng Department of Transportation and Communication (DOTC).

Read more...