Handa ang kontrobersyal na founder ng WikiLeaks na si Julian Assange na isuko agad ang kaniyang sarili sa mga otoridad ng United Kingdom oras na lumabas ang desisyon ng UN’s Working Group on Arbitrary Detention sa kaniyang kaso.
Kinasuhan ni Assange ang Britain at Sweden sa panggigipit sa kaniya kaya hindi siya makaalis sa embassy ng Ecuador sa UK, na isa aniyang maituturing na kaso ng illegal detention.
Tatlong taon nang nasa ilalim ng pangangalaga at proteksyon ng Ecuadorian embassy sa UK si Assange, para makaiwas sa pagpapatapon sa kaniya sa Sweden kung saan inakusahan siya ng rape na mariin naman niyang itinanggi.
Pinangangambahan rin niyang ipatapon siya sa Estados Unidos kung saan maari siyang litisin dahil sa sa pagsasapubliko niya ng nasa 500,000 secret military files na may kaugnayan sa digmaan sa Afghanistan at Iraq, at 250,000 diplomatic cables.
Ngunit, isang hakbang o pagtapak lang niya sa lupa ng Britain sa labas ng embassy, agad siyang aarestuhin ng mga pulis na matagal nang nakabantay sa kaniyang posibleng pagtakas.
Ayon kay Assange, kapag hindi naging pabor sa kanya ang magiging ruling ng UN tungkol dito na inaasahang lalabas sa Biyernes, oras sa UK, kusa siyang magpapaaresto sa mga pulis ng Britain.
Aniya wala naman na dapat pang ipaglaban kung ang UN na mismo ang pumanig sa pag-aresto sa kaniya.
Gayunman, oras naman aniyang katigan ng UN ang kaniyang posisyon, inaasahan niya ang agarang pagbalik ng kaniyang passport at na malaya na siyang makakalabas ng embahada dahil marapat lang na ipatigil ang mga pagpapa-aresto sa kaniya.