Sugatan ang pitong miyembro ng Philippine Marines sa naganap na pagsabog sa lalawigan ng Sulu.
Ayon kay AFP Joint Task Force Sulu Commander Brig. Gen. Alan Arrojado, pinasabog ng mga miyembro ng ASG ang itinanim nilang IED o improvised explosive device na nadaanan ng mga sundalo sa Bgy. Lagtoh, Talipao, Sulu.
Sumabog ang IED habang dumadaan ang convoy ng Marine Battalion Landing Team-10 dahilan para mapuruhan at masugatan ang pitong Marines na agad na isinugod sa Camp Navarro General Hospital sa Zamboanga City.
Pinangalanan naman ni Arrojado ang limang miyembro ng ASG na responsable sa pagsabog na sina Amrin Abasara, Abral Alih, Asaral Inu na nasa ilalim ng pamumuno ni ASG sub leader Radulan Sahiron habang dalawa pa ay kinilalang sina Tala Jumsahna tauhan ni ASG sub leader Amah Maas at Jumidin Wali na tauhan ni Hajan Sawadjaan.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang pagtugis ng militar laban sa mga bandidong responsable sa pagpapasabog.