Ronaldo Puno, campaign adviser na ni VP Binay

 

Inquirer file photo

 

Kumpirmadong si dating Interior Secretary Ronaldo Puno ang dahilan at nagtutulak pataas sa kampanya ni Vice President Jejomar Binay bilang kaniyang campaign adviser.

Kilala si Puno bilang nasa likod rin ng matagumpay na kampanya na nagpanalo kina dating Pangulong Fidel V. Ramos, Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon kay National Unity Party (NUP) secretary general Reginald Velasco, naging kasapi ng campaign team ni Binay si Puno noon pang Setyembre ng nagdaang taon.

Si Puno ang chief adviser rin ng NUP, habang ang kaniyang kapatid na si Antipolo Rep. Roberto Puno ay ang pinuno naman ng partido.

Mismong ang abogado ni Binay aniya na si Atty. JV Bautista ang nag-kumpirma nito sa isang hearing ng Commission on Elections (COMELEC) kahapon na si Puno nga talaga ang campaign adviser ng pangalawang pangulo.

Mayroon ding dalawang source mula sa kampo ni Binay ang kumumpirma sa balita at sinabing noong nakaraang taon pa tinutulungan ni Puno si Binay sa kaniyang kampanya.

Si Puno aniya ang nagbibigay ng mga ideya kay Binay kung anong gagawin sa kaniyang kampanya, tulad na lamang ng kung saan ilalagay ang kaniyang mga ads.

Anila bagaman si Puno ang namumuno sa campaign team ni Binay, hindi naman daw siya binabayaran.

Bago pa rin umano pumutok ang mga alegasyon ng katiwalian laban sa bise presidente, tumulong na si Puno sa kampo ni Binay para paangating muli ang kaniyang kampanya.

Read more...