Tiniyak ng Malakanyang na nakahanda ang pamahalaan na tugunan ang banta ng COVID-19.
Pahayag ito ng Palasyo makaraang makapagtala ng dalawang panibagong kaso ng sakit sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, walang dapat na ikaalarma ang publiko, dahil simula’t sapul ay handa ang gobyerno.
May nakalatag na ring protocols at nakatakda aniyang aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang request ng Department of Health (DOH) para sa P2-billion supplemental budget na gugugulin para sa pagtugon sa COVID-19.
Sa unang pagkakataon ay nakapagtala ng Pinoy na positibo sa COVID-19 dito sa bansa.
Ito ay ang isang Pinoy na may history ng pagbiyahe sa Japan at ang isa naman ay residente ng San Juan na walang travel history.
Sa kabuuan ay lima na ang naitalang nagpositibo sa COVID-19 sa bansa. Ang unang tatlo ay pawang Chinese nationals.