Sa viva voce voting, lumusot ang House Bill 6136 na naglalayong amyendahan ang road user’s tax.
Ayon kay House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda, kikita ang pamahalaan ng tinatatayang P200 bilyon mula 2020 hanggang 2024 kung saan
mapupunta ang malaking bahagi ng kikitain sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.
Sa ilalim ng panukala, ang road user’s tax sa mga sasakyan ay magiging P2,080 sa 2020; P2,560 sa 2021 at P3,040 sa 2022 para sa passenger cars na mayroong gross vehicle weight (GVW) na hanggang 1,600 kilograms (kg).
Kapag ang GVW ay mas mataas sa 2,300 kilograms, ito ay magiging P10,400 sa 2020, P12,800 sa 2021 at P15,200 sa 2022.
Para naman sa passenger cars na may GVW na mas mataas sa 1,600 kilograms pero hindi lalagpas 2,300 kilograms ay kailangang magbayad ng buwis na P4,680 sa 2020; P5,760 sa 2021 at P6,840 sa 2022 habang kapag ang GVW ay mas mataas sa 2,300 kg ito ay magiging P10,400 sa 2020, P12,800 sa 2021 at P15,200 sa 2022.
Sa taong 2020 ,magbabayad ng P1.40 unitary tax per kilogram ng GVW ang mga utility vehicles, sports utility vehicles, buses, trucks at trailers; 2.50 per kilogram ng GVW sa 2021 at 3.40 per kilogram ng GVW sa 2022.
Mula naman sa January 2023 ang road user’s tax ay tataas ng limang porsyento bawat taon.
Sinabi ni Salceda na progressive ang pagpapatupad ng batas dahil ang mga mayayaman ang direktang tatamaan at mahihirap ang makikinabang.
Sabi pa ng mambabatas, ang kasalukuyang MVUC rates ay hindi tumaas simula noong 2004.