Isinilid ang kalansay ng biktimang si Janice Baco, isang financial analyst ng DSWD KALAHI, sa sako sa loob ng septic tank.
Batay sa report ng Tukuran Municipal Police Station, iniulat ng isang concerned citizen na nagtatrabaho sa local government unit ng Tukuran na isa sa kanilang construction workers ang nakakita ng hinihinalang kalansay ng tao sa septic tank sa likod ng dating opisina ng DSWD KALAHI sa Barangay Curvada bandang 11:30 ng umaga.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, aksidenteng nakita ng construction workers na sina Albert Yariz Alangilan, John Anthony Torres Quiliope at isa pa ang kalansay ng biktima habang naglilinis ng septic tank para magamit sa banyo ng bagong itinayong Tukuran Municipal Health Unit.
Ayon kay Police Lt. David Pintado, hepe ng Tukuran MPS, subject for validation pa rin ang mga damit na nakita sa lugar kahit na tinukoy na ang biktima ng hindi pinangalanang asawa nito.
Mahigit isang taon at siyam na buwang nawala ang biktima bago natagpuan.