Inihayag ng PAGASA na malabong lumakas para maging isang bagyo ang binabantayang low pressure area (LPA) sa bahagi ng Mindanao.
Sa weather forecast, sinabi ni PAGASA senior weather specialist Chris Perez na huli itong namataan sa layong 370 kilometers Silangang bahagi ng General Santos City.
Gayunman, makakaapekto pa rin aniya ang sama ng panahon sa Mindanao at maging sa ilang parte ng Visayas.
Samantala, umiiral ang tail end of a cold front sa bahagi ng Bicol region na magdadala ng maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan at pagkidlat.
Northeast Monsoon o hanging Amihan naman ang nakakaapekto sa dulong bahagi ng Hilagang Luzon.
Ani Perez, magdadala ito ng mahihinang pag-ulan sa nasabing lugar.
Magiging maaliwalas naman aniya ang panahon sa nalalabing parte ng Luzon kabilang ang Metro Manila maliban lamang sa mga posibleng mahihinang pag-ulan.
Dahil sa pinagsamang epekto ng tail end of a cold front at LPA, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan sa mga lalawigan sa Visayas.