Mobile app para sa overseas absentee voting, malaking tulong para sa pagboto sa gitna ng COVID-19

Umaasa si Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon na maaprubahan ng Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang paggamit ng mobile application para sa overseas voting.

Giit ni Guanzon, malaking tulong ito lalo na sa panahon kung saan marami ang natatakot lumabas ng bahay, lalo na sa mga bansang may mataas na kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sa pamamagitan kasi aniya nito, kahit nasaan ang isang overseas voter ay maaari itong makaboto gamit lamang ang kanyang cellphone.

Sa Hunyo o Hulyo ay ite-test aniya nila ito sa San Francisco sa California para makita ang mga maaring maging problema sa paggamit nito.

Hinihintay lang din aniya nila ang panahon ng tag-init dahil sinasabing hihina ang COVID-19 kapag mainit ang panahon.

Maliban sa San Francisco, target din aniya nila itong mai-test sa Amsterdam at Spain.

Ayon kay Guanzon, mahalaga ang pagsasagawa ng test run bago dalhin ang mungkahi ng paggamit ng mobile app sa pagboto sa Kongreso at Joint Congressional Oversight Committee para maaprubahan at maging ganap na batas.

Nabatid na may apat na kumpanya na nagpahayag ng intensyon na sumali sa bidding para rito.

Araw ng Miyerkules, nagsimula na rin aniyang mag-demo ang isang interesadong bidder hinggil sa teknolohiyang ito.

Ayon kay Guanzon, may kamahalan nga lang ang presyo para sa mobile app voting na tinatayang aabot sa humigit kumulang $4 milyon.

Pero giit ng opisyal, maliit na halaga ito kumpara sa laki ng naitutulong ng mga OFW sa ekonomiya ng bansa.

Read more...