Sa ipinalabas na pahayag ni PNP acting spokesman Police Maj. Gen. Benigno Durana Jr., sinabi nito na tigilan na rin sana ang pagpapakalat ng haka-haka at maling impormasyon kaugnay sa insidente.
Nakikiusap na lang sila na samahan sila sa pagdarasal para sa mabilis na paggaling ng mga nasaktan sakay ng Bell 429 helicopter kasama na si PNP Chief Archie Gamboa.
Banggit ni Durana, ligtas na ang lahat ng mga sakay at magpapatuloy ang paggamot sa mga ito sa iba’t ibang ospital.
Kinumpirma sa pahayag na bumagsak ang helicopter nang sumabit ito sa kawad ng kuryente.
Kasabay nito, grounded na ang lahat ng rotary-wing aircraft ng pambansang pulisya bilang bahagi ng standard procedure sa tuwing may insidente at iniimbestigahan ang pangyayari.
Ayon kay Durana, ang PNP ay may Airbus H-125, Bell 429 at Robinson R-44 multi-role helicopters.