Ipinasisilip ni Assistant Majority Leader at ACT-CIS Rep. Niña Taduran sa Philippine National Police Supervisory Office for Security and Investigation Agencies o PNP SOSIA ang mga permit na ibinigay sa lahat ng security agencies sa bansa.
Ayon kay Taduran, dapat tingnan ng PNP-SOSIA ang mga alegasyon ng korapsyon sa pamunuan ng security agencies na ibinulgar ng nang-hostage na security guard na si Alchie Paray.
Kailangan din aniyang malaman ng PNP kung paano ang ginagawang pagtrato at bullying sa mga maliliit na security guard.
Maliban anya sa hindi maayos na pagtrato at korapsyon ay naabuso din umano ang mga security guard sa kanilang duty.
Napag-alaman ng lady solon na bukod sa walong oras ay inoobliga pa na mag-overtime ng apat na oras na walang bayad ang mga gwardya.
Sabi ni Taduran, dapat magsilbing “eye opener” ang insidente upang matugunan ang mga lumutang na problema.
Kaugnay nito, pag-aaralan ng kongresista ang pagbuo ng batas para maprotektahan ang mga ganitong empleyado laban sa anumang uri ng pananamantala sa kanilang agencies.