Pagkalat ng ASF, isinisi sa mga tiwaling hog trader

Photo grab from PCOO Facebook live video

Sinisisi ni Agriculture Secretary William Dar ang mga pasaway na hog trader kung kaya patuloy na lumalaganap ang African Swine Fever (ASF) sa mga baboy.

Sa economic briefing sa Malakanyang, sinabi ni Dar na marami pa ring mga hog trader ang bumibili ng mga may sakit na baboy at itinitinda sa merkado.

Ayon kay Dar, ang ginagawa ng mga pasaway na hog trader ay kinakatay na lamang ang mga may sakit na baboy sa kani-kanilang bakuran at hindi na dumadaan sa slaughter house.

Ginagamit na rin aniya ng mga hog trader ang mga sariling sasakyan para hindi maharang ng mga awtoridad.

Pero ayon kay Dar, dahil sa puspusang aksyon na ginagawa ng DA, nahaharang din ng kanilang hanay ang mga karneng apektado ng ASF.

Sa ngayon, 1.85 percent na mula sa 1.8 milyong hog inventory o bilang ng mga baboy ang pinatay na dahil sa ASF.

Sa pinakahuling talaan ng DA, ang Naga sa Camarines Sur ang nakapagtala ng outbreak ng ASF.

Apela ng Dar sa publiko, huwag nang tangkilikin ang mga baboy na apektado ng ASF para hindi na kumalat ang naturang virus.

Read more...