Malinis at maayos ngayon ang Balintawak Market bilang paghahanda sa gagawing inspeksyon ng hukom ng Quezon City Regional Trial Court mamayang hapon.
Ang inspeksyon ay isasagawa ni Judge Marilou Runes-Tamang ng Quezon City RTC branch 98 matapos maghain ng kaso ang mga tindero at tindera dahil sa naka-ambang pagpapasara sa tatlong private markets sa Balintawak.
Sa isinagawang pagdinig kahapon, sinabi ni Tamang na magsasagawa siya ng ocular inspection sa Cloverleaf Market upang personal na makita kung may basehan ang closure order ng Quezon City Government.
Ang tatlong pribadong palengke sa Balintawak ay ipinasasara ng Quezon City Hall dahil sa umano ay hindi pagkakaroon ng tamang sanitation.
Pero ayon kay dating Albay Rep. Edcel Lagman, abogado ng Balintawak Cloverleaf Market Corp., sadyang ipasasara ang tatlong palengke para mabigyang-daan ang P25-billion na halaga ng proyekto ng Ayala sa nasabing lugar.
Sa pagbisita ng Radyo Inquirer sa Balintawak Market Huwebes ng umaga, kapansin-pansing tuyo ang mga daanan, at maayos ang paninda sa Cloverleaf Market.
Kasama ni Tamang sa isasagawang inspeksyon mamaya inatasang sumama sina Quezon City building official Isagani Versoza Jr. at market administrator Noel Soliven o di kaya ay magpadala ng kanilang kinatawan.