Siniguro ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na dokumentado ang gagawin nilang pagbabaklas ng mga posters at tarpaulin ng mga kandidato.
Ayon kina DPWH Sec. Rogelio Singson at MMDA Chairman Emerson Carlos, binilinan nila ang kanilang mga tauhan na magsasagawa ng “Oplan Baklas” na kunan muna ng larawan ang mga posters o tarpaulin bago baklasin.
Ipinasasama din sa documentation ang mga detalye kung saan ang eksaktong lugar na nakita ang mga binaklas na poster.
Ang mga detalye sa babaklasing mga poster at tarpaulin ay isusumite ng DPWH at MMDA sa Commission on Elections (Comelec) para sa posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga pulitikong lalabag.
Sa panig ng DPWH, muli nito binigyan-diin na maging ang mga on-going projects ng pamahalaan gaya ng pagpapagawa ng kalsada, tulay, gusali, waiting sheds o anomang proyekto na pinopondohan ng pamahalaan ay bawal lagyan ng mga tarpaulin na may larawan ng mga pulitiko.
Sinabi naman ng MMDA na ang mga malalaking tarpaulin na makukuha sa “Oplan Baklas” ay maari nilang magamit bilang tent sa panahon ng kalamidad.