WATCH: Daan-daang Chinese POGO workers nakatira sa mga bahay sa Multinational Village sa Parañaque

May mga bahay sa Multinational Village sa Parañaque City ang tinitirahan ng daan-daang mga Chinese nationals na pawang nagtatrabaho sa mga POGO.

Ayon kay Senator Richard Gordon, nagreklamo sa kaniyang tanggapan ang isang residente ng naturang lugar matapos mapansin ng mga ito ang pagdami ng mga dayuhang naglalabas-masok sa ilang mga bahay.

Base sa reklamo, may mga bahay na nasa 40 ang naktirang Chinese, pero sa ibang mga bahay umaabot pa ng 100 hanggang 200 ang nakatira.

Pakiramdan umano nila ay hindi na sila ligtas manirahan sa lugar dahil hindi nila kakilala ang kanilang mga kapitbahay.

Dahil dito, nag-imbestiga ang tanggapan ng senador at minanmanan ang tatlong bahay na sinasabing may mga nakatirang Chinese.

Sinundan din ang mga van na naglalabas-masok sa lugar at naghahatid sa mga dayuhan sa kanilang tinutuluyang bahay.

Base sa ginawang imbestigasyon sinabi ni Gordon, totoong may mga bahay na umaabot sa 150 hanggang 200 ang nakatirang Chinese.

Araw-araw silang sundo at hatid ng mga van at coaster.

Ayon sa senador, ang Multinational Village ay nasa R-1 category, at ibig sabihin, single-family lamang dapat ang nakatira sa bawat bahay.

Read more...