Sesyon ng Kamara biglaang tinapos, mga senior citizens nagalit

 

Kuha ni Isa Avendaño-Umali

Naging biglaan ang pagsasara ng sesyon ng House of Representatives bago pa man mag-alas 8:00 ng Miyerkules ng gabi, nang wala man lang napag-usapang agenda simula nang magbukas ito noong umaga.

Ang biglaang pag-adjourn ng sesyon ng Kamara ay tila isang pag-pigil na mapag-usapan pa o mai-sulong pa ang planong pag-override sa veto ni Pangulong Benigno Aquino III sa panukalang P2,000 Social Security System (SSS) pension hike.

Hindi man lamang nakakapag-roll call at hindi rin nabigyan si House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na maisagawa ang kaniyang ceremonial speech kung saan kadalasang ibinibida ang mga naisakatuparan ng mga mambabatas.

Dahil dito, dismayado at galit na galit ang mga nag-protesta, na karamihan ay mga senior citizens kasama ang iba pang grupo na ilang oras naghintay sa labas ng gate ng Batasang Pambansa, at ang iba pa nga sa kanila ay naulanan pa.

Bilang pag-protesta sa walang kaabog-abog na pag-adjourn ng sesyon na pumigil sa pagkakataong isulong ang SSS pension hike na kanilang inaasam, nagsigawan sila ng “Override!”

 

Naging emosyonal naman si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares dahil napurnada ang kaniya sanang planong pagsusulong sa pag-override sa veto ni Pangulong Aquino.

Kasama ang iba pa niyang kapwa mambabatas tulad nina Gabriela Rep. Emmi de Jesus, Kabataan Rep. Terry Ridon at Abakada Rep. Jonathan dela Cruz, pinuntahan nila ang mga nag-protesta para maki-simpatya sa pagka-dismaya nilang lahat.

Bukod sa hindi pagkaka-override ng SSS pension hike bill, kasabay nito ang tuluyan na ngang pagkamatay ng mahahalagang panukala tulad na lang ng Bangsamoro Basic Law (BBL), Freedom of Information bill, anti-dynasty bill, pati na ang Salary Standardization Law 4 o SSL4.

Samantala, taliwas sa inaasahang pagkakabuo ng quorum dahil sa huling sesyon, nanatiling kakalog-kalog ang Kamara lalo na sa unang tatlong oras ng kanilang sesyon.

Matatandaang hirap na hirap ang Kongreso na magkaroon ng quorum dahil sa mga mambabatas na hindi na pumupunta sa sesyon dahil sa pagiging abala sa pangangampanya para sa darating na eleksyon.

Read more...