Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) sa Department of Justice (DOJ) at sa mga korte na kung maaari ay mapabilis ang pagpo-proseso sa mga commitment order ng mga detainee na nasa kanilang kustodiya.
Ito’y dahil sa patuloy na pagsisikip at overcrowding sa mga piitan ng ibat- ibang mga istasyon ng pulis dahil sa sobrang dami na ng ikinukulong nila doon.
Ayon kay PNP Human Rights Affairs Office Director Chief Supt. Dennis Siervo, 36 na oras lang sana talaga dapat na manatili sa kanila ang isang detainee kasunod ng pagkakahuli nito dahil sa isang krimen.
Gayunpaman ayon kay Siervo, hindi naman maaaring i- release ang isang detainee ng walang commitment order mula sa korte kaya ang resulta, hindi mai-turnover agad sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang isang akusado.
Dahil dito, sa halip na mabawasan ang tao sa kanilang kulungan, nadaragdagan pa nang nadaragdagan ang mga ito dahil sa mga bagong pasok na offenders.
Sa tala ng PNP, as of December 2015, nasa 1,980 na mga detainee na ang nasa iba’t ibang police stations sa bansa.