Ibunyag kasi ng kolumnistang si Ramon Tulfo na kumukubra umano si Aguirre ng pera na suhol ng mga Chinese, batay sa salaysay ng Immigration officer at whistleblower na si Allison Alex Chiong.
Sa ekslusibong panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Aguirre na matindi ang galit sa kaniya ni Tulfo.
Bwelta pa nito, walang ibang ginawa si Tulfo kundi ang kumuha ng tsismis sa lalawigan ng Quezon.
Bilang pinuno ng PDP-Laban Quezon, marami aniyang naninira sa kaniya at dito kinukuha ni Tulfo ang mga alegasyon.
Sinabi pa nito na dinadagdagan na ni Tulfo ang mga nakuhang impormasyon mula kay Chiong.
“Walang ginawa ‘yan kundi kumuha ng tsismis sa Quezon, sa lalawigan ng Quezon dahil marami akong… palibhasa kami’y mga pulitiko ng Quezon. Ako ang head ng PDP-Laban [kaya] maraming naninira sa akin doon. At siya ang… mga kaibigan niya ‘yun. Kaya’t doon niya kinukuha. Dinadagdagan niya ‘yung nakuha niya dito kay Mr. Chiong,”
Narito ang bahagi ng pahayag ni Aguirre:
Posibleng may halong pulitika aniya ang pagdadawit sa kaniya.
“Ganito kasi ‘yun, tatakbo sana ‘yung anak ko saka ako para lumaban kami sa Quezon. Ngayon, gusto nilang sirain… may mga pulitiko kaming mga kalaban doon na gusto akong sirain. Mga kaibigan ni Tulfo ‘yan,” ani Aguirre.
Narito ang bahagi ng pahayag ni Aguirre:
Iginiit pa ng dating kalihim na si Tulfo lamang ang nagsasangkot sa kaniya sa ‘Pastillas scheme.’
“Di ba sabi ni Tulfo mayroon siyang whistleblower? ‘Yung whistleblower nandoon kanina sa Senado. Hindi ba kayo nagtataka na kahit minsan hindi man lang binanggit ang pangalan ko na ako’y sangkot doon? Ang nagsasangkot lamang sa akin doon ay si Tulfo,” dagdag pa nito.
Samantala, inihayag naman ni Aguirre na handa siyang humarap sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado.
Nagpapasalamat pa aniya siya dahil ipinatawag siya dahil kung hindi, siya mismo aniya ang susulat sa Senado para ipatawag siya.
Welcome naman aniya siya sa development sa imbestigasyon para makaharap si Tulfo para itama at patunayang hindi totoo ang alegasyon nito laban sa kaniya.