Mariing kinondena ng Palasyo ng Malakanyang ang pamamaril kay Atty. Bayani Dalangin sa Barangay Poblacion sa Talavera, Nueva Ecija.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng malalimang imbestigasyon.
“Hindi pupuwede kay Presidente ‘yun, kaya ang nagyaring pamamaslang sa abogado ay awtomatik paiimbestigahan ‘yun,” pahayag nito.
Ayon kay Panelo, walang puwang sa administrasyon ni Pangulong Duterte ang anumang uri ng karahasan kaninuman.
“Every act of violence we condemned it, we will not tolerate any act of violence against any person,” ani Panelo.
Hindi aniya kukunsintihin ng pangulo ang naturang insidente.
Sinabi pa ni Panelo na hindi titigil ang pamahalaan hanggat hindi napapanagot ang salarin sa pamamaslang kay Dalangin.
“We will not stop unless we pinpoint the perpetrators of the crime,” dagdag pa nito.
Pinagbabaril si Dalangin ng nag-iisang suspek sa loob ng kanyang tanggapan at sa harap ng kanyang mga kliyente.
Isinugod pa sa Talavera General Hospital ang abogado subalit binawian din ng buhay.
Agad namang tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo.