Umapela ang grupo sa World Health Organization (WHO) at Department of Health (DOH) na respetuhin ang karapatan ng mga naninigarilyo na gumamit ng mga alternatibo pamamaraan, gaya ng paggamit ng vape devices at e-cigarettes.
Iginiit ni Clarisse Virgino, ang kinatawan ng Pilipinas sa Coalition of Asia Pacific Tobacco Harm Reduction Advocates (CAPHRA), ang kanilang karapatan bilang konsyumer.
Ayon naman kay Peter Dator ng grupong Vapers PH, ngayong may mga alternatibo na sila para mabawasan ang masamang epekto ng sigarilyo sa kanilang katawan at sa ibang tao, nararapat lang na hayaan sila sa kanilang karapatan na makapamili kung ano ang sa kanilang palagay ang makakabuti sa kanila.
Binanggit din ni Virgino na may mga pag-aaral na rin na isinagawa sa ibang bansa at lumabas sa mga ito na sa paggamit ng e-cigarettes at kumpara sa sigarilyo, nababawasan ng hanggang 95 porsiyento ang masamang epekto ng bisyo.
Dagdag naman ni Dator, hindi epektibo ang sinasabing ‘quit or die approach’ ng WHO at DOH para mapatigil ang mga naninigarilyo sa bisyo dahil sa ngayon ay 1.1 bilyon sa buong mundo ang naninigarilyo.
Aniya, suportado din nila ang inamyendahang Sin Tax Law dahil kinikilala na nito ang pagiging legal ng e-cigarettes sa bansa at para sa regulasyon ng mga alternatibo sa sigarilyo.