Pinawalang-sala ng Manila Regional Trial Court ang lalaking nasa likod umano ng pag-hack sa website ng Commission on Elections (Comelec) noong taong 2016.
Sa desisyon ni Manila RTC Br. 32 Presiding Judge Thelma Bunyi-Medina, pinawalang sala si Paul Biteng sa kasong paglabag sa RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ayon sa desisyon ng korte, ang ebidensya na iprinisinta laban kay Biteng ay nagpakita lang na nag-post ito ng isang hacking tutorial video bago nangyari ang pag-hack sa Comelec website.
Isa din sa ebidensya ang screenshot ng website ng Comelec nang it ay ma-hack at ang mga komento ng netizens hinggil sa insidente.
Sinabi ng korte na bagaman inamin mismo ni Biteng na isa siyang “hacker” walang matibay na ebidensya na magpapatunay na siya nga ang nang-hack sa website ng poll body.