Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, ang handog ng pamahalaan sa mga tauhang Pinoy ng cruise ship ay financial, transport, at livelihood assistance.
Aniya, gaya ng naunang nabanggit ay tatanggap ng P10,000 tulong pinansyal ang bawat Diamond Princess seafarer o crew.
Mayroon ding ibibigay sa kanila na transportation assistance mula Maynila hanggang sa makarating sa kanilang home region o probinsya.
Sinabi ni Cacdac na mayroong nakahandang P20,000 livelihood grant para sa mga tripulante at crew ng MV Diamond Princess na ibibigay sakaling magdesisyon sila na permanente nang manatili o hindi na aalis ng Pilipinas.
Ayon sa opisyal, sa oras na makumpleto ang mandatory 14-day quarantine sa New Clark City sa Tarlac, matatanggap na ng mga Pinoy crew member ng MV Diamond Princess ang mga nabanggit na ayuda.
Ani Cacdac, nawa’y malaki ang maitutulong ng mga ayuda sa mga tinawag niyang magigiting na Diamond Princess seafarers, na karamihan ay nagtrabaho pa sa cruise ship sa kabila ng mga naitalang kaso ng COVID-19 doon.