Mga kongresista pumalag sa pagharang na mapondohan ang mga proyekto sa kanilang distrito

Isang kaluluwang ligaw ang tinukoy ni Capiz Rep. Fredenil Castro ang nagtatangkang harangin ang pondo sa alokasyon ng mga kongresista.

Sa kanyang matalinghagang privilege speech, sinabi ni Castro na ang binabalak ng taong hindi nito pinangalanan ay harangin ang pagpapatupad ng mga proyekto ng mga kongresista para sa kanilang mga distrito.

Ayon sa kongresista, hindi nila maintindihan kung bakit may ganitong pagtatangka gayung maayos namang nairaos sa Kamara at Senado ang pagpasa sa national budget na pinirmahan ni Pangulong Duterte.

Dismayado aniya ang mga mambabatas dahil hindi lamang ito laban sa mga kinatawan kundi sa kanilang mga nasasakupan na nangangarap at umaasa ng pag-unlad sa kanilang lugar.

Una rito, nabanggit ni Speaker Alan Peter Cayetano na merong gunagamit sa isyu ng national budget at ABS-CBN franchise para patalsikin siya sa pwesto, bagay na ayon kay Castro ay hindi dapat pag-aksayahan ng panahon dahil matagal nang naisaayos ang usapin sa liderato ng 18th Congress.

Kamakailan ay sinabi ni Senador Ping Lacson na pinigil ng Department of Budget and Management ang pagpapalabas ng pondo para sa umano’y PHP80 billion na congressional realignments sa ilalim ng 2020 national budget.

Read more...