Driver ng viral na Joanna Jesh bus, 2 weeks pa lang nagmamaneho ng bus

Humarap sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang driver ng Joanna Jesh bus na nag-viral sa social media dahil sa pagsagasa nito sa mga orange plastic barriers sa EDSA southbound bago sumapit sa Ayala intersection.

Ayon kay LTFRB Board Member Ariel Inton, nagdesisyon si Roel Labin na kusa nang humarap sa ahensya matapos mapanood sa balita kagabi ang viral video ng bus na may plate number TYR 744.

EDSA DEMOLITION DERBYBus lane + EDSA + reckless bus drivers = THIS. (Video from Ian Santos)

Posted by TOP GEAR PHILIPPINES on Monday, February 1, 2016

Depensa ni Labin, ang driver ng kasabay niyang bus ang reckless at iniwasan lamang niya ito dahilan para mabangga niya ang mga barriers.

Huminto naman umano siya at inayos niya at ng kaniyang kunduktor ang mga plastic barriers na tumumba at kumalat sa EDSA.

Pero sinabi ni Inton na sa pagsagasa ni Labin sa mga barriers maituturing na siyang reckless driver.

Dagdag pa ni Inton, inamin ni Labin sa LTFRB na dalawang linggo pa lamang siyang nagmamaneho ng pampasaherong bus.

Ang drive test umano niya sa Joanna Jesh ay pinaikot lamang siya ng dalawang beses sa loob ng FTI at pagkatapos ay hinayaan na siyang magmaneho.

Dahil dito, sinabi ni Inton na wala pang sapat na karanasan si Labin sa pagmamaneho ng isang public vehicle.

Ipatatawag din ng LTFRB ang operator ni Labin para pagpaliwanagin dahil kung totoong hindi sapat ang drive test nito at hinayaang magmaneho ng pampasaherong bus at may pananagutan din ang operator.

Irerekomenda na rin ng LTFRB sa Land Transportation Office (LTO) na kanselahin ang lisensya ni Labin.

Read more...