Nasa mahigit 2,500 pulis ang ipakakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Martes, February 25.
Ito ay kasunod ng idaraos na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Sa isang press conference sa Quezon City, sinabi ni NCRPO chief Maj. Gen. Debold Sinas na kabilang sa nasabing bilang ang ide-deploy na 251 na pulis mula sa Joint Task Force – National Capital Region.
Nagtalaga ang pulisya ng apat na “areas of concern” kung saan ipakakalat ang mga pulis.
Kabilang dito ang mga sumusunod:
– National Housing Authority
– Philippine Coconut Authority
– Welcome Rotonda
– ABS-CBN Compound
Sinabi ni Sinas na sa mga nabanggit na lugar kasi kadalasang nagdaraos ng kilos-protesta tuwing anibersaryo ng EDSA People Power.
Isinama naman aniya ang ABS-CBN Compound sa “areas of concern” kasunod ng hiling mula sa pamahalaang lokal ng Quezon City na tutukan ang nasabing lugar.
Paalala naman ni Sinas sa mga grupong magkakasa ng protesta na kailangan nilang makakuha ng permit mula sa lokal na pamahalaan para makapagsagawa ng rally.