Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukala na gawin nang permanenteng programa kontra kahirapan ang conditional cash transfer program (CCT).
Umani ng 182 na pabor na boto ang House Bill 6393 na naglalayong ma-institutionalize na ang CCT na kilala rin sa tawag na 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Sa nasabing panukala, nasa kamay na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagpili sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng CCT sa buong bansa gamit ang standardized na sistema.
Base rin sa panukala, ang pamilya ay maituturing na mahirap, kung ang kanilang kita ay mas mababa pa sa poverty treshold na itatakda ng Netional Economic Development Authority (NEDA).
Ang pangunahing layon ng 4Ps ay ang mabigyang tulong panggastos ang mga mahihirap na pamilya para sa kanilang pagkain, kalusugan at pati na rin sa pag-aaral ng mga batang mahihirap.
Positibo naman si House committee on poverty alleviation at Camarines Sur Rep. Salvio Fortuno, na pipirmahan na ito ni Pangulong Aquino para maisabatas na.