Niratipikahan na ng Kamara ang panukalang nagtatalaga sa large-scale agricultural smuggling bilang isang economic sabotage.
Mas pinatindi ng Anti-Agricultural Smuggling Act ang parusa sa mga malakihan at iligal na pag-aangkat ng mga bigas, asukal, sibuyas, baboy, manok at baka na lubhang nakakaapekto sa kabuhayan ng karamihan sa mga Pilipino.
Ayon kay House Ways and Means Committe Chair at Marikina Rep. Romero Quimbo na inaasahan na lang niyang mapirmahan ni Pangulong Aquino ang nasabing panukala.
Ani Quimbo, ang Anti-Agricultural Smuggling Act ay nakatakdang pigilan ang pangungunsinti sa iligal na pagpapasok ng mga produktong pang-agrikultura dito sa bansa na nagdudulot ng pagka-lugi sa ating sariling industriya.
Tila mas tumatapang na aniya ang mga smugglers ngayon dahil na rin sa kakulangan ng ngipin sa mga batas na nagpoprotekta sa ating mga magsasakang naghihirap dahil sa smuggling.
Sa batas na ito, habambuhay na pagkakakulong, at multa na doble pa sa halaga ng mga smuggled na produkto at kabuuang halaga ng buwis at iba pang charges na dapat bayaran ng importer na ang magiging parusa sa mga smugglers.
Pagkakakulong naman ng mula 17 hanggang 20 taon ang ipapataw para sa mga opisyal ng mga dummy corporations, nongovernment organizations at iba pang nagbebenta, nagpapahiram o nagpaparenta ng kanilang import permits para magbigay daan sa smuggling.