Ikinasa ang operasyon ng mga tauhan ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng Cebu City Police Office (CCPO) na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang high-value targets na sina Elmer Gallarde, 35 anyos at Kirby Abanilla, 37 anyos.
Si Gallarde ang unang nadakip sa Barangay Apas sa Cebu City at nakuhanan siya ng tatlong kilo ng shabu na tinatayang aabot sa P20.4 million ang halaga.
Sa follow-up operation sa Santa Lucia, Consolacion Cebu, nadakip naman si Abanilla at nakuhanan ng limang kilo ng shabu na tinatayang aabot sa P34.3 million ang halaga.
Ayon kay Police Major Jonathan Taneo ng CDEU ang operasyon ay bahagi ng “one time big time operations” sa Cebu base sa utos ni Police Brigadier General Albert Ignatius Ferro, direktor ng Police Regional Office sa Central Visayas (PRO-7).