Ayon kay House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda, maaari nilang tanggapin ang Senate version na fiscally acceptable upang maiwasan na tumagal ito sa bicameral conference committee.
Gayunman, nanindigan si Salceda na hindi papayag ang Kamara sa bersyon ng Senado kung pananatilihin ang pagbibigay ng tax incentives sa mga kumpanya kahit hindi na ito kailangan.
Kung gagawing pangmatagalan aniya ang pagbibigay ng mga insentibo sa mga korporasyon at kumpanya ay magmimistulang “giveaway” lamang dahil wala nang dahilan pa para lumago ang kumpanya.
Hindi rin sasang-ayunan ng Kamara ang transfer pricing para maiwasan lamang ng mga kumpanya ang pagbabayad ng buwis sa pamahalaan.
Dapat din anyang tutulan ng Mababang Kapulungan ang isang bersyon ng CITIRA lalo na kung makokompromiso ang fiscal stability at masasakripisyo ang credit rating ng bansa.