MIAA target na makakuha ng ‘very good rating’ sa US TSA

Kuha ni Chona Yu

Pagsusumikapan pa ng Manila International Airport Authority (MIAA), Office for Transportation Security (OTS) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na pag-igihan pa ang pagbibigay serbisyo sa mga pasahero.

Ito ay matapos mabigyan ng satisfaction ratings ng United States Transportation Security Administration (US TSA) ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa pagpapatupad ng maayos na security measures.

Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni MIAA general manager Ed Monreal na nakatataba ng puso na gumanda na ang pananaw ng US TSA sa airport ng Pilipinas.

Pangako ni Monreal, bagamat mahirap, pipilitin nilang maabot ang ‘very good rating’ sa mga susunod na buwan.

Ayon kay Monreal, makalipas ang anim na buwan, babalik ang team ng US TSA para tignan ulit ang sitwasyon sa NAIA.

Naniniwala si Monreal na kung hindi mababago ang kultura sa airport, hindi gaganda ang serbisyo sa publiko.

Hindi lang aniya ang mga tauhan sa NAIA ang dapat na mabago ang kultura kundi maging ang mga pasahero mismo.

Read more...