Muling nanawagan si Senator Joel Villanueva sa gobyerno na suspindihin muna ang Philippine offshore gaming operations o POGOs bunsod na nabunyag na raket ng ilang tauhan ng Bureau of Immigration.
Pagdidiin ni Villanueva, nahihirapan naman ang gobyerno na magpatupad ng regulasyon sa POGOs at aniya hindi rin nagbabayad ng tamang buwis ang mga ito bukod sa paglabag sa ating mga batas, kayat makakabuti kung sususpindihin muna ang bagong sistema ng pagsusugal.
Aniya sa nabunyag na ‘pastillas modus’ ng mga immigration personnel at travel agencies, pagpapatunay lang na nagbalik muli ang katiwalian sa NAIA.
Pagpapaalala ni Villanueva dahil sa pagdagsa ng mga Chinese nationals sa bansa ay nabunyag ang pangongotong ng P50 milyon ng dalawang mataas na opisyal ng Bureau of Immigration.
Mismong ang senador din ang naglantad ng P5,000 singil sa opisina ng Bureau of Immigration sa Taguig City para mapabilis ang pagpapalabas ng special working permit ng mga Chinese na nais mag-trabaho sa bansa.
Pagdidiin ni Villanueva na wala pang isang porsiyento sa gross domestic product ng Pilipinas ang magiging epekto kapag sinuspindi ang POGOs.