Amihan lumakas pa, apektado na ang Luzon at Visayas

Bahagya pang lumamig ang temperatura ngayong araw dahil sa paglakas ng Amihan.

Ayon sa PAGASA, apektado na muli ng Amihan ang buong Luzon at Visayas.

Para sa weather forecast ngayong araw, ang buong Visayas, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Bicol Region, Aurora, Quezon, Marinduque, Romblon, at Oriental Mindoro ay makararanas ng maulap na papawirin na mayroong mahihinang pag-ulan.

Ang Metro Manila naman at ang nalalabi pang bahagi ng Luzon ay makararanas lamang ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may isolated mahinang pag-ulan.

Ang buong Mindanao naman ay magkakaroon lamang ng isolated na pag-ulan dahil sa localized thunderstorms.

Dahil sa paglakas ng amihan, nakataas ang gale warning sa buong seaboard ng Northern Luzon, Eastern seaboard ng Central Luzon, Eastern seaboard ng Southern Luzon at Eastern seaboard ng Central Visayas.

Ayon kay PAGASA weather specialist Aldzar Aurello, sa susunod na tatlong araw ay mananatiling apektado ng Amihan ang Luzon at Visayas.

Wala ring inaasahang LPA o bagyo na mabubuo sa loob ng Philippine Area of Responsibility sa susunod na mga araw.

Read more...