Sa ilalim ng House Resolution 2636 ni Western Samar Rep. Emil Ong, iginiit nito na hindi dapat upuan ang katayuang pinansyal ng SSS, lalo’t isa ito sa mga kinunsidera ni Pangulong Benigno Aquino III sa desisyong i-veto ang panukalang P2,000 na dagdag sa pensyon ng mga SSS member.
Punto ni Ong, kahit naka-recess ang mababang kapulungan ay pwede namang magsagawa ng special congressional probe.
Ang kamara, maging ang senado, ay may break simula sa susunod na linggo para bigyang daan ang May 2016 elections.
Sinabi ni Ong na maaari ring magbuo ng special committee na gagawa ng imbestigasyon sa pinansyal na katayuan ng SSS.
Sakaling magawa ito, kailangan aniyang tapusin ang pagsisiyasat at magsumite ng report sa loob ng dalawang buwan.
Paalala ng kongresista, nakasalalay dito ang kapakanan ng milyon-milyong miyembro ng SSS, kaya hindi maaaring magpasa-walang-bahala ang mga mambabatas.