Panukalang amyenda sa 84-year old Public Service Act, lusot na sa ikalawang pagbasa ng Kamara

Aprubado na sa ikalawang pagbasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala para amyendahan ang 84 na taon ng Public Service Act.

Sa ilalim ng House Bill 78, bibigyan ng depinisyon ang public utility.

Nakasaad dito na magiging limitado ang depinisyon ng public utility sa electricity distribution, electricity transmission at water pipeline distribution o sewerage pipeline system.

Kapag naging batas ang panukala, magiging bukas sa pag-aari ng mga dayuhan ang transportation at telecommunications.

Maari lamang mag may-ari ang dayuhan ng kapag hindi ito kaya ng Filipino o kaya naman ay mayroong nilikhang batas para dito o mayroong inaprubahang international agreement.

Itinatadhana rin ng panukala na hindi maaaring magkaroon ng capital stock sa anumang public service sa ilalim ng klasipikasyon ng public utility ang isang foreign nation bago maisabatas ang batas o kaya naman ay walang kaparehong karapatan ang bansa ng nasabing dayuhan para sa mga Filipino.

Sinabi ni House Committee on Economic Affairs Chairperson Sharon Garin na ang pagbibigay ng depinisyon sa public utility ay magbibigay ng mas maraming oportunidad para sa ekonomiya ng mga Pinoy.

Gayunman, pinawi ng mambabatas ang mga pangamba ng pagdagsa ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa dahil sa panukala sapagkat ang nais lamang anya nito ay matulungan ang bansa na magkaroon ng mas maraming negosyo.

Sa ilalim ng Article XXII, Section 11 ng 1987 Constitution, ang operasyon ng public utility ay dapat na 60 porsyentong pag-aari ng mga Filipino pero sabi ni Garin, ito ay walang direktang depinisyon.

Read more...