Sa ulat mula sa BI Travel Control and Enforcement Unit (TCEU), naharang ang lima sa mga biktima sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) habang ang tatlo naman ay sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA).
Ayon kay Dana Sandoval, tagapagsalita ng ahensya, patungo sana ang limang biktima sa Bangkok, Thailand nang maharang sa NAIA noong February 13 at 16.
Mula sa Bangkok, tutulak sana ang lima patungong Dubai kung saan ilegal na na-recruit bilang household service workers.
“They claimed that they were traveling to Thailand as tourists but later admitted that their purpose in going abroad was to work.” ani Sandoval.
Itinago pa aniya ng lima ang kanilang mga visa at connecting flight sa mga Immigration personnel.
Samantala, napigilan naman ang pagbiyahe ng tatlo pang biktima patungong Japan noong February 10.
Ani Sandoval, sinabi ng tatlo na magbabakasyon lamang sila sa Japan at binayaran ng kanilang employer ang trip.
Ngunit, lumabas aniya ang discrepancies sa mga ipinakitang dokumento ng tatlo.
“They also claimed that each of them paid their recruiters P200,000 in exchange for facilitating their travel to Japan where they intended to work,” dagdag pa nito.