Mga kasong sedition, inciting to sedition, illegal assemblies, public disorder, at paglabag sa Batas Pambansa 880 o Public Assembly Act ang isinampa ng ilang miyembro ng Jeepney Operators and Drivers Associations (JODA) ng Taguig sa Prosecutor’s Office laban sa magkapatid na Cerafica at ilan pang indibidwal.
Batay sa reklamo, matapos umanong manguna sa resulta ng botohan sa pagka-alkalde at kongresista sina dating Senador Alan Peter Cayetano at direktor na si Lino Cayetano ay nagsagawa ng serye ng mga illegal assembly ang magkapatid na Cerafica.
Nakasaad pa sa reklamo na dahil sa mga illegal assembly na ginawa ng magkapatid na Cerafica at mga kasama ay maraming empleyado ng Taguig City local government unit ang nabalam ang trabaho pagkat ginawa ng pagtitipon sa mismong kahabaan ng Pedro Cayetano Boulevard, na isang public road.
Habang ang ilang pagkilos na ginawa ng grupo sa may kahabaan naman ng C5 ay nagdulot umano ng pagsikip sa trapiko at pagparalisa sa daloy ng komersyo.
Dagdag pa sa reklamo na ang ginawa ng Cerafica brothers ay mistulang panghihikayat sa publiko na magalit matapos mag-akusa ang mga ito ng dayaan umano sa ginanap na 2019 elections.