Sangley Airport, pormal nang inilunsad sa Cavite

Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pormal na paglulunsad ng Sangley Airport sa Cavite, araw ng Sabado.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), nakumpleto ang Sangley Airport Development Project (SADP) kasunod ng itinakdang deadline ng pangulo.

Katuwang ng DOTr sa proyekto ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na suportado ng Philippine Navy, Philippine Air Force, Civil Aeronautics Board (CAB), Office for Transportation Security (OTS), Manila International Airport Authority (MIAA), Philippine Ports Authority (PPA), Philippine Coast Guard (PCG), at iba pang attached agencies ng kagawaran.

Sa talumpati ng pangulo, ipinunto nito ang kaniyang paglaban kontra sa korupsyon na dahilan umano ng pagbaba ng infrastructure projects sa bansa.

Binati rin ng pangulo si Transportation Secretary Arthur Tugade para sa matagumpay na patatapos ng proyekto.

Aniya, ang SADP ang isang halimbawa kung paano tamang gamitin ang pondo ng taumbayan.

Sa mensahe naman ni Tugade, sinabi nito na sumasalamin ang proyekto sa pagkakaisa ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Sinabi naman ni Cavite Governor Jonvic Remulla na malaking tulong ang bagong paliparan hindi lamang sa probinsya kundi maging sa buong bansa.

Matatandaang sinimulan ang konstruksyon ng paliparan taong 2018 at ipinatupad ang 24/7 construction para sa agarang pagtatapos nito.

Itinulak ng pangulo ang pagtatapos nito para makatulong na ma-decongest ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Bago makumpleto ang konstruksyon, nagdaos na ng dry run ang DOTr, CAAP at iba pang ahensya sa paliparan noong October 2019.

Mayroong bagong 750-square meter na Passenger Terminal Building (PTB) sa paliparan na kayang maka-accommodate ng 160 pasahero. Mayroon din itong Flight Information Display Systems (FIDS), CCTV, X-ray, at baggage handling at weigh-in conveyor na susuporta sa operasyon.

Natapos na rin ang asphalt overlay runway na may habang 2,400 metro.

Samantala, nakatakda namang ayusin ng DOTr ang ilan pang pasilidad sa Sangley Airport kabilang ang drainage system na makakatulong para maiwasan ang pagbaha tuwing makararanas ng malakas na pag-ulan at high tide.

Read more...