Isang-taong gulang na lalaki mula sa Nueva Ecija, ika-17 kaso ng polio sa bansa – DOH

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang ika-17 kaso ng polio sa bansa.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ng kagawaran na isang-taong gulang na batang lalaki mula sa Cabanatuan, Nueva Ecija
ang ika-17 kaso ng polio sa bansa.

Nasuri anila ang kaso sa pamamagitan ng surveillance ng Acute Flaccid Paralysis (AFP) cases sa mga komunidad at
mga ulat mula sa barangay health workers.

Sinabi ng DOH na nagkaroon ng lagnat ang bata at saka biglang nanghina ang kaliwang paa nito.

Maliban dito, sinabi rin ng Research Institute of Tropical Medicine na nagpositibo sa poliovirus ang nakuhang
environmental samples mula sa Butuanon River.

Mahigpit namang nakikipag-ugnayan ang DOH sa World Health Organization (WHO) para sa tamang pagpapabakuna.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, importanteng ma-detect agad ang “acute onset of paralysis” ng mga
bata.

Tiniyak din ng DOH na tuluy-tuloy pa rin ang kanilang “Sabayang Patak Kontra Polio” campaign sa National Capital
Region at Mindanao.

Read more...