Zaldy pinahintulutang mabisita ang amang si Andal

andal and zaldy
Inquirer file photo

Pinahintulutan ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 si dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Zaldy Ampatuan na mabisita ang kanyang maysakit na ama na si dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr., sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI).

Sa utos ni Judge Jocelyn Solis-Reyes, pinayagan nito ang nakababatang Ampatuan na silipin ng dalawang oras ang kanyang ama na may advanced liver cancer at nakaratay sa NKTI ‘for humanitarian reasons’.

“Anent the second relief being prayed for, in view of the issuance of a Certification by Dr. Jade Jamias which shows that Datu Andal Ampatuan Sr., is being managed as a case of advanced liver cancer with signs of decompensation, for humanitarian reasons, the Court is inclined to allow accused to visit his father at the NKTI on July 2,”

Bukod dito, pinayagan din si Zaldy na sumalang sa Myocardial Perfusion Imaging (MPI) test sa Philippine Heart Center batay sa rekomendasyon ng kanyang physician na si Dr. Danilo S. Kuizon.

Sa kautusan ng korte, una munang sasalang sa MPI test si Zaldy bago ito pahihintulutang makadalaw sa kanyang ama.

Matapos ang dalawang oras na palugit, inaatasan ng korte na ibalik agad si Zaldy Ampatuan sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.

Matatandaang ang mag-amang Ampatuan ang pangunahing mga suspek sa Maguindanao Massacre case noong 2009.-Inquirer.net / Jay Dones

Read more...