Walang ginagawang panggigipit o pangpi-pressure si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso para harangin ang franchise renewal ng ABS-CBN.
Tugon ito ng Palasyo ng Malakanyang sa pahayag ni Isabela Congressman Antonio Albano na pini-pressure sila ni Pangulong Duterte maging ng ABS-CBN.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, sakali mang makalusot ang panukalang batas at ma-renew ang prangkisa ng TV network at i-veto ito ni Pangulong Duterte, maari pa rin namang i-over rule o over ride ito ng Kongreso.
Ibig sabihin, ang Kongreso pa rin ang may huling pasya sa prangkisa ng ABS-CBN.
Sinabi pa ni Panelo na nakausap niya mismo si Albano.
Ayon kay Panelo, ang tinutukoy ni Albano na pressure ay ang galit ni Pangulong Duterte sa ABS-CBN dahil sa hindi pag-ere ng kanyang campaign material noong 2016 Presidential elections.
Sinabi pa ni Panelo na kailanman ay hindi naging ugali ni Pangulong Duterte na manindak, manggipit o manakot kaninuman.