Ang 29-kilometer na LRT-1 mula Baclaran hanggang 5th Avenue ay sasailalim sa rereiling na inaasahang tatagal hanggang sa 2017.
Ayon kay Light Rail Manila Corp. (LRMC) Engineering Director Rudy Chansuyco, sa pamamagitan ng pagpapalit ng riles, inaasahang maitataas ang kasalukuyang bilis ng LRT-1 na 40kph sa 60kph.
Sa Abril inaasahang darating ang mga bagong riles kaya target ng LRMC na matapos ang pagpapalit ng riles sa 2017. “Our target is to be done by the end of 2017 with new, modern tracks that will allow for smoother rides for our passengers,” ayon kay Chansuyco.
Matapos ang pagpapalit ng mga riles sa nasabing taon, inaasahan naman ang pagdating ng mga bagong light rail vehicles (LRVs) para sa LRT-1.
Isa rin sa mga nakatakdang proyekto para sa LRT-1 ang 11.7-kilometer extension hanggang sa Cavite.
Mula sa Baclaran ay magdaragdag ng walong istasyon ng tren patungo sa Bacoor, Cavite.