Pinayuhan ng Palasyo ng Malakanyang ang mga artistang nakikiusap kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-renew ang
prangkisa ng ABS-CBN na magtungo na lamang sa Kongreso at doon umapela.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, mali na pakiusapan ng mga artista ang pangulo.
Wala kasi aniyang kinalaman ang pangulo sa pag-renew ng prangkisa ng ABS-CBN kundi ang Kongreso.
‘Outside de Kulambo’ aniya ang pangulo sa naturang usapin.
Kung hindi man sa Kongreso, dapat na sa korte rin umapela ang mga artista at hindi sa pangulo.
“Mali iyong kanilang ano, mali iyong kanilang pinapakiusapan. Dapat makiusap sila sa Congress na i-renew iyong
lisensya. Kasi kay Presidente, wala naman siyang ano doon, wala siyang pakialam doon. Pangalawa, ang hukuman
naman ang magdi-decide noon, hindi rin siya. So palaging outside de kulambo siya doon eh; wala siya doon eh. But I
can understand the feelings of people in ABS – natural lamang iyon,” ayon kay Panelo.
Sa ngayon, naghain na ng quo warranto petition ang Office of the Solicitor General (OSG) sa Supreme Court para
ipawalang-bisa ang prangkisa ng ABS-CBN dahil sa paglabag sa batas.
Nakabinbin din sa Kongreso ang panukalang i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN na nakatakdang mapaso sa buwan ng
Marso.
Kabilang sa mga artistang umaapela kay Pangulong Duterte sina Anne Curtis, Leah Salonga, Vice Ganda at iba pa.