Patuloy na umiiral ang Northeast Monsoon o Amihan sa malaking bahagi ng bansa.
Sa weather update bandang 4:00 ng hapon, sinabi ni PAGASA weather specialist Ana Clauren na asahan pa rin ang
malamig na simoy ng hangin sa bansa lalo na tuwing gabi o madaling-araw.
Makararanas pa rin aniya ng maulap na kalangitan na may mahihina hanggang katamtamang pag-ulan sa Cagayan
Valley, Cordillera, Aurora, Quezon at Bicol region.
Sa Oriental Mindoro, magiging makulimlim ang panahon at pulo-pulong mahihinang pag-ulan.
Ani Clauren, asahang magiging maaliwalas ang panahon sa nalalabing parte ng bansa kabilang ang Metro Manila.
Samantala, sinabi ni Clauren na walang natututukang anumang weather disturbance na posibleng pumasok o mabuo sa
loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa susunod na tatlo hanggang limang araw.