Kinumpirma ni Justice Sec. Menardo Guevarra na naibigay na ng DOJ ang kopya ng review noong nakalipas na linggo.
Ngayong Lunes naman, may makikipag-pulong ang kalihim sa presidente ukol sa VFA termination.
Nangako si Guevarra na ilalabas ng DOJ sa publiko ang laman ng kanilang naging review, pagkatapos ng pulong nila ni Pangulong Duterte at iba pang kaukulang opisyal ng pamahalaan.
Matatandaan na inatasan ng Malakanyang ang Justice Department na magsagawa ng pagrepaso sa VFA makaraang inanunsyo ng pangulo na pinakakansela na niya ang VFA.
Nag-ugat ito sa naging pagbawi sa US Visa ni Senador Bato dela Rosa, na hindi nagustuhan ng presidente.
Nitong Biyernes naman, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na may opisyal nang kumpas ang pangulo na i-notify ang US ukol sa pagkansela sa VFA.
Ngunit nitong weekend, sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na “fake news” ang naturang pahayag ni Panelo.